Aabot sa ₱1.49 bilyon ang halagang inilabas ng PhilHealth para sa mga ospital na may fraud cases sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability, sinabi ni Public Accounts Chairman Mike Defensor na 51 pagamutan na may kasong fraud ang binigyan ng state health insurer ng pondo ngayong may COVID-19 pandemic.
Tinatayang nasa 4,664 ang fraudulent cases ng mga pagamutan kung saan 3,806 na mga kaso rito ay ngayon lamang 2019 hanggang 2020.
Iginiit dito ni Defensor na hindi na dapat pang binibigyan ng pondo sa ilalim ng IRM ang mga ospital na may kaso.
Sana aniya ay niresolba muna ang mga kaso bago binigyan ng pondo ang mga pagamutan.
Sa ngayon ay nakasuspinde ang IRM na siya umanong pinag-ugatan ng katiwalian ng mga opisyal ng PhilHealth.
Samantala, nagpahayag na rin ng kahandaan si PhilHealth President and CEO Ricardo Morales na pumirma ng waiver para pahintulutan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na silipin ang kanyang bank accounts kasama ang 13 iba pang PhilHealth officials.