Nakapagbigay na ang pamahalaan ng inisyal na ₱1 million tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng Bagyong Goring.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang tulong ay ipinagkaloob sa mga apektadong residente ng Regions 1, 2, 6 at Cordillera Administrative Region (CAR).
Kabilang sa mga ayudang ipinagkaloob ay family food packs, inuming tubig, hygiene kits, kitchen kits, ready to eat foods at iba pa.
Mayroon ding binigyan ng financial at relief assistance.
Ang halaga ng tulong ay inisyal pa lamang at tataas pa habang nagpapatuloy ang pagkalap ng datos ng mga awtoridad.
Samantala, sa pinakahuling tala ng NDRRMC ay sumampa na sa 56,410 pamilya o katumbas ng mahigit 196,000 indibidwal ang naapektuhan mula sa Regions 1, 2, 3, 6, CALABARZON, MIMAROPA at CAR kung saan isa ang napaulat na nawawala.