Umaabot sa 1,147 na bag ng puting sibuyas ang nakumspika sa isinagawang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ang nasabing sibuyas ay iligal na ipinasok sa bansa na nagkakahalaga ng P1.95 milyon.
Nadiskubre ito sa isang warehouse sa DNR Building sa Sto. Cristo Street sa Tondo, Maynila.
Nabatid na tinungo ang nasabing warehouse ng BOC at ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) kung saan bitbit nila ang letter of authority na pirmado ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
Bukod sa BOC at MPD, kasama rin nagtungo sa warehouse ang mga tauhan ng Manila International Container Port (BOC-MICP), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Operations Section, Enforcement and Security Service-Quick Response Team (ESS-QRT), Customs Examiners of the Formal Entry Division, Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (DA-BPI), Philippine Coast Guard (PCG) at National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Hindi nakaharap ng BOC at pulisya ang may-ari ng building maging ang administrator nito kaya’t ang dalawang barangay kagawad ang tumanggap ng letter of authority.
Dito na nakita ang sangkaterbang bag ng puting sibuyas na iligal na nakarating ng bansa dahil wala itong kaukulang permit sa anumang ahensiya ng pamahalaan.
Agad na kinumpiska ang mga nasabing sibuyas na kasalukuyan naka-imbak at binabantayan sa BPI warehouse sa Malate, Manila.
Ang hakbang ng BOC ay kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na paigtingin ang kampaniya kontra-smuggling of agricultural products sa ilalim naman ng pamumuno ni Commissioner Ruiz.