HALOS ₱20M HALAGA NG MARIJUANA, WINASAK SA MAGKAKASUNOD NA OPERASYON SA REGION 1

Winasak ng mga awtoridad ang tinatayang ₱18.6 milyon halaga ng marijuana sa limang magkakahiwalay na operasyon mula Oktubre 23 hanggang 26, 2025 sa mga bulubunduking bahagi ng Sugpon, Ilocos Sur at Santol, La Union.

Sa apat na araw na tuluy-tuloy na operasyon, kabuuang 92,225 fully grown marijuana plants at 5,080 seedlings ang binunot at sinunog sa lugar, batay sa Dangerous Drugs Board (DDB) valuation.

Layunin ng mga operasyon na tuluyang maputol ang pinagkukunan ng ilegal na droga sa rehiyon.

Sa unang araw, magkasabay na sinalakay ng mga operatiba ang mga taniman sa Barangay Licungan, Sugpon, at Sitio Manaba, Barangay Tubaday, Santol.

Nasira naman sa Sugpon ang 18,500 tanim at 1,250 punla ng marijuana na nagkakahalaga ng ₱3.75 milyon, habang 11,300 tanim at 2,830 punla naman ang sinunog sa Santol, La Union, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱2.37 milyon.

Nagpatuloy naman ang operasyon sa Barangay Licungan sa sumunod na mga araw, kung saan nadiskubre pa ang ilang taniman na nagresulta sa pagkakabunot ng 55,825 fully grown marijuana plants na may kabuuang halagang ₱12.5 milyon.

Bagaman walang naaresto, sinabi ng mga awtoridad na ang agarang pagsira sa mga taniman ay mahalagang hakbang umano upang hindi na makarating sa merkado ang mga ipinagbabawal na halaman.

Hinimok din nila ang publiko na makipagtulungan sa mga otoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga posibleng taniman o operasyon ng ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa rehiyon.

Facebook Comments