Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa halos ₱50 million na halaga ng frozen goods sa isang warehouse o cold storage facility sa Balut, Tondo, Maynila.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Chief Andrei Dizon, sa bisa ng letter of authority mula sa Bureau of Customs (BOC), isang joint operation ang kanilang ikanasa kung saan nadiskubre sa tatlong malalaking freezer ang iba’t ibang karne at prutas galing China, Canada at Spain na walang kaukulang dokumento.
Samantala, naaresto naman sa nasabing operasyon ang 15 indidibwal, kasama na ang isang Chinese national na pinaniniwalaang may-ari ng pasilidad.
Sa ngayon ay inaaalam na ng BOC kung papaano nakapasok ang mga nasabing produkto at magsasagawa na rin ng backtracking.
Sa oras na matapos ang pag-iimbentaryo sa mga nasamsam na produkto, ay isasailalim ito sa shredding, o kaya ay susunugin o ibabaon sa lupa.
Babantayan naman ng mga awtoridad ang nasabing cold storage facility habang gumugulong ang pagsasampa ng kaso laban dito.