
Nasabat ng pulisya ang halos 7 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱47,600 sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Mapandan at Rosales, Pangasinan.
Sa unang operasyon sa Mapandan kahapon, December 3, naaresto ang isang 20-anyos na lalaki mula Mangaldan matapos magsagawa ang Mapandan Police Station, kasama ang PDEA Region 1, ng buy-bust operation.
Narekober ang 0.4 gram ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱2,720, na nakalagay sa apat na heat-sealed sachet.
Nakuha rin ang isang ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money at isang empty pack ng sigarilyo.
Samantala, sa Rosales, isinagawa ang ikalawang operasyon kaninang madaling araw, December 4.
Naaresto ang isang 41-anyos na lalaki mula Villasis matapos ang operasyon ng Rosales Police Station na isinagawa rin sa koordinasyon ng PDEA Region 1.
Nasamsam ang 6.60 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱44,880, na nakalagay sa limang sachet.
Narekober din ang ilang non-drug evidence kabilang ang buy-bust money, boodle money, isang pouch, cellphone, lighter, at isang motorsiklo.
Isinagawa ang inventory at marking ng ebidensya sa lugar ng operasyon sa presensya ng mga mandatory witnesses, alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.









