Inihanda na ng Department of Social Welfare and Development ang aabot sa ₱780 million na pondo para tumugon sa mga residenteng apektado ng pananalasa ng Bagyong Vicky.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, P779,958,349 ang nakalaang pondo kung saan P182,704,546 dito ang magsisilbing standby funds ng DSWD Central Office at kanilang field offices.
Habang ang natitirang pondo ay ipambibili ng mga food packs at iba pang kagamitan na itutulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Batay sa tala ng NDRRMC, 338 pamilya o 1,525 indibidwal sa 13 barangay sa mga rehiyon X, XI at CARAGA ang apektado at nananatili ngayon sa evacuation centers.
Nagkaroon din ng mga pagbaha sa siyudad ng Bislig, Surigao del Sur, bayan ng Prosperidad, San Francisco at Rosario sa Agusan Del Sur.
Ilang kalsada rin sa Region XI at CARAGA ang hindi madaanan matapos magkaroon ng landslides, pagbaha at mga bumagsak na poste.