Tinatayang nasa 900,000 na mga mag-aaral sa pribadong paaralan ang lumipat sa mga pampublikong paaralan mula nang magsimula ang pandemya noong 2020.
Ayon kay Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) Chairman Dr. Anthony Tamayo, mas pinasikip nito ang sistema ng pampublikong paaralan, na isa pang masamang bunga ng pagsasara ng mga paaralan.
Batay rin sa survey ng COCOPEA, 60% ng mga pribadong paaralan sa bansa ang nakaranas ng pagbagsak ng enrollment.
Dahil dito, umaapela si Tamayo sa pamahalaan na isaalang-alang din ang mga pribadong paaralan bilang pantulong sa sistema ng pampublikong paaralan.
Una nang sinabi ng Department of Education (DepEd) na nasa 425 na ang pribadong paaralan sa buong bansa ang permanenteng nagsara mula nang magsimula ang pandemya.