Nabigyan ng emergency employment sa ilalim ng cash-for-work program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasa halos isang milyong manggagawa.
Ito ay sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay para sa Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD).
Sa datos ng DOLE, aabot sa 939,209 informal sector workers ang matinding tinamaan ng pandemya at nasalanta ng nagdaang bagyo.
Nabigyan ang mga ito ng higit P4.5 billion sa loob ng dalawang buwan.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang TUPAD ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan ang mga bulnerableng miyembro ng lipunan.
Sa ulat naman ni Bureau of Workers with Special Concern (BWSC) Director Karen Trayvilla, nasa 797,222 ang nabayaran na habang 141,989 ang patuloy na nagtatrabaho.
Maaaring lumagpas pa sa isang milyon ang mga benepisyaryo lalo na at may karagdagang pondo mula sa ₱6 billion appropriation sa ilalim ng Bayanihan 2.
Niluwagan din ang programa depende sa pangangailangan ng bawat rehiyon.
Samantala, itinanggi ni Secretary Bello na nabakunahan na siya laban sa COVID-19.