Sinita ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang House of Representatives sa late reporting nito sa kanilang COVID cases na maaaring naging dahilan ng biglang paglobo ng kaso na umabot na sa mahigit na 40 cases.
Ayon kay QC-CESU Director Dr. Rolly Cruz, nasa 40 ang confirmed cases na kanilang naitala sa Mababang Kapulungan pero kanilang bineberipika ang report na nasa 96 ang kabuuang bilang ng mga positive cases sa Kamara sa nakalipas na 10 araw.
Aniya, posibleng maraming kaso ang hindi nairereport sa kanila at hindi agad nagagawan ng contact tracing.
Ipinaliwanag ni Cruz, kahit pa man asymptomatic ang pasyente basta nakumpirma itong positive sa test ay dapat ipagbigay alam agad sa kinauukulan.
Agad naman dumipensa si House Secretary-General Dong Mendoza at sinabing nakikipag-ugnayan na sila sa QC-CESU at nagsasagawa na rin ng mass testing sa mga mambabatas, mga kawani at mga bisita sa Batasan Complex.
Sinabi ni Cruz na pagbabatayan nila ang COVID cases report na isusumite ng Kamara sa kanilang gagawing imbestigasyon, pangunahin na rito kung bakit nagkaroon ng hawahan at kung may pagtaas ng kaso na maaaring pumasok sa kategorya ng outbreak na maaaring maging dahilan para pansamantalang ipasara ang tanggapan.
Kaugnay naman sa posibleng paglabag ng Kamara, sinabi ng QC-CESU na ang kanilang gagawing imbestigasyon ay isusumite nila sa Department of Health (DOH).