Umabot na sa 98.5% na kabuuang pwersa ng Philippine National Police (PNP) sa national headquarters sa Camp Crame ang naisalang na sa RT-PCR COVID test.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang pinaigting na testing ng kanilang mga tauhan ay alinsunod sa kautusan ni PNP Chief PGen. Debold Sinas.
Layunin nitong maagang ma-detect at ma-isolate ang mga COVID-19 cases sa kanilang hanay para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Batay sa datos ng ASCOTF, nasa 89% naman ng 6,875 nilang tauhan sa National Administrative Support Units (NASU) ang nakapag RT-PCR test na; 78.4% ng 28,852 na tauhan sa National Operational Support Units; at 54.4% ng 180,372 nilang tauhan sa mga Police Regional Offices.
Sa ngayon, ang PNP ay may apat na molecular laboratory para sa RT-PCR test na bukas din para sa mga dependents ng kanilang mga tauhan.
Ang mga ito ay dalawa ang nasa Camp Crame, isa ang nasa Davao, at isa ang nasa Cebu.