Umabot na sa halos 10,000 ang inmates na napalaya sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon sa Korte Suprema, batay sa datos ng Office of the Court Administrator, 9,731 na persons deprived of liberty o PDLs ang napalaya na mula noong March 17 hanggang April 29.
Kabuuang 2,082 sa mga ito ay sa NCR; 4,657 sa Luzon sa labas ng NCR; 1,072 sa Visayas at 1,920 sa Mindanao.
Kaugnay nito, umaasa ang Korte Suprema na mas maraming preso pa ang mapapalaya kasunod ng kautusan nila na bawasan ang piyansa para sa mga indigent o mahihirap na inmate.
Sa ilalim ng Administrative Circular 38-2020 ni Chief Justice Diosdado Peralta, ipinagutos na babaan ang bail at recognizance para sa mga mahihirap na PDLs na nililitis sa mga kasong may parusang pagkakakulong na anim na buwan at isang araw hanggang 20 taon sa panahon ng public health emergency.
Para naman sa mga PDLs na may parusang anim na buwan pababa na pagkabilanggo, maaring itong palayain sa sarili nitong recognizance o hindi na kailangan na isailalim sa kustodiya ng sinuman.
Hindi naman sakop ng kautusan ang mga convicted PDLs.