Halos 10,000 mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang, nabakunahan sa unang araw ng expanded pediatric vaccination

Naging maayos at matagumpay ang unang araw ng expanded pediatric vaccination para sa mga batang edad 5 hanggang 11 years old.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Vaccination Operations Center Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje na wala rin silang na-encounter na untoward incident kahapon.

Sa unang araw ng pagbabakuna sa mga batang edad 5 hanggang 11 yrs old, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 9,784 na mga nabakunahan mula sa 32 sites kabilang ang Metro Manila, ilang lugar sa Cotabato at Calabarzon.


Ani Cabotaje, isang labing isang taong gulang na batang lalake mula sa Parañaque City ang nagkaroon ng pamamantal sa kamay at braso matapos mabakunahan pero agad din naman itong nawala.

Maliban dito, wala namang naitala ang pamahalaan ng major adverse events.

Samantala, muling panawagan ni Cabotaje sa mga magulang na may agam-agam pa rin na pabakunahan ang kanilang mga anak na ang bakunang gagamitin para sa kanilang mga anak ay napatunayang ligtas, epektibo at nakapagbibigay ng proteksyon laban sa COVID-19.

Facebook Comments