
Umabot sa 14 na sasakyan ang hinarang ng mga tauhan ng Philippine National Police- Aviation Security Group o PNP-AVSEGROUP katuwang ang Land Transportation Office (LTO) sa isinagawang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) complex
Ayon sa PNP-AVSEGROUP, kinabibilangan ito ng sampung public utility vehicle na mga taxi at apat na private vehicle.
Apat ang hinuli dahil sa kawalan ng prangkisa mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB at overcharging sa mga air traveller sa NAIA.
Ang naturang operasyon ay bahagi ng pinalakas na kampanya ng AVSEGROUP, na “Oplan Pamasaheng Tapat” na isinasagawa sa pakikipag tulungan sa LTO.
Layunin din nito na puksain ang mga scam na may kaugnayan sa transportasyon at mga paglabag na nambibiktima sa mga manlalakbay sa buong bansa.
Samantala, ang mga naharang na sasakyan ay dinala sa AVSEGROUP Headquarters para sa documentation.









