
Aabot sa 1,472 na mga fake birth certificates ang inendorso na ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Office of the Solicitor General (OSG) para sa kanselasyon.
Sa budget hearing ng PSA, sinabi ni PSA National Statistician Undersecretary Dennis Mapa na sa bilang na ito higit 1,000 ay mula sa Davao del Sur.
Nabahala si Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na 70% ng pekeng birth certificates ay galing sa iisang lugar, ibig sabihin hindi ito simpleng clerical error lang kundi sinadya.
Mula 2010 hanggang 2024 ay aabot sa 50,000 na mga birth certificates ang kaduda-dudang entry kung saan 840 sa bilang na ito ay “highly irregular”.
Inihahanda na rin para sa kanselasyon ang dalawa sa mga nakitang kwestyunableng late registration ng birth certificate.
Sinabi naman ni Mapa na mayroon nang apat na taga gobyerno ang nasampahan ng kaso mula sa local civil registry office.









