Halos 1,500 na indibidwal, nahuli sa unang araw uniform curfew sa Metro Manila

Naging matagumpay ang unang araw ng pagpapatupad ng Philippine National Police (PNP) ng uniform curfew sa Metro Manila.

Ito ang inihayag ni PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force COVID Shield Commander PLt. Gen. Cesar Hawthorne Binag.

Aniya, 1,449 ang nahuli dahil sa paglabag sa curfew na mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.


Matatandaang sinabi ni PNP Officer-In-Charge PLt. Gen. Guillermo Eleazar na magiging istrikto ang mga pulis sa pagpapatupad ng curfew sa gitna ng nagpapatuloy na pagtaas ng kaso ng COVID- 19 sa Metro Manila.

Ngunit paalala niya sa halos 10,000 pulis na pinakalat sa Metro Manila na ipatupad ang curfew at i-observe ang maximum tolerance nang sa ganoon ay manatili ang paggalang sa karapatan ng bawat indibidwal.

Kasabay nito, nanawagan naman si Eleazar sa publiko na respetuhin din ang mga tagapagpatupad ng batas at sumunod sa mga alituntunin ng pamahalaan.

Ayon kay Eleazar, hindi na bago ang ganitong paghihigpit na katulad ng ipinatupad noong unang isailalim sa community quarantine ang bansa noong nakaraang taon, at dapat ay natuto na ang lahat sa karanasang ito.

Facebook Comments