Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 1,460 na panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa kahapon.
Ito na ang ikatlong sunod na araw na nakapagtala ang bansa ng higit 1,000 kaso.
Dahil dito, umakyat na sa 18,632 ang aktibong kaso ng virus, habang nasa 4,046,849 na ang kabuuang kaso sa buong bansa.
Nakapagtala naman ng 828 na bagong mga gumaling sa sakit, kaya naman sumipa na sa 3,963,372 ang kabuuang naka-rekober.
Habang, nasa 64,845 na ang bilang ng mga nasawi sa COVID-19 matapos madagdagan ng 25.
Ayon sa DOH, ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamataas na naitalang kaso kahapon na nasa 580.
Samantala, ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David na posibleng muli nasa 1,000 hanggang 1,200 ang maitalang kaso ng COVID-19 ngayong araw.