Nakapagtala ang National Vaccination Operations Center (NVOC) ng 2,292,335 na mga nabakunahan kahapon, November 30, 2021 ang ikalawang araw ng 3-day National Vaccination Drive.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NVOC Chairperson Usec. Myrna Cabotaje na ang nasabing datos ay mas mababa kumpara sa unang araw ng malawakang bakunahan na higit 2.5 milyong mga Pilipino ang nabakunahan pero hindi pa aniya ito pinal dahil patuloy pa rin silang nakakatanggap ng datos mula sa iba’t ibang mga rehiyon sa bansa.
Sumatutal ay nakapagtala ang NVOC ng 5,000,353 na mga nabakunahan sa dalawang araw na National Vaccination Drive at kasalukuyan pang nagpapatuloy.
Ayon pa kay Usec. Cabotaje, kahit na hindi maabot ang target ng pamahalaan na siyam na milyon na mga Pilipino na mababakunahan sa tatlong araw na malawakang bakunahan na ito ay maituturing pa rin itong accomplishment sapagkat kung dati ay nag-a-average tayo sa 1 o 1.5 milyon na mga nababakunahan sa isang araw, nung isang araw at kahapon aniya ay nasa higit dalawang milyon ang ating daily jabs.
Kasunod nito, patuloy pa rin ang panawagan ng pamahalaan sa mga hindi pa nababakunahan na magtungo na sa pinakamalapit na vaccination site sa inyong lugar dahil kahit walk-in o walang pre-registration ay babakunahan sa layuning makamit ang population protection.