
Umabot sa halos 2,000 na mga Ilonggo ang nakilahok sa Trillion Peso March 2.0 sa Iloilo City kahapon, Nobyembre 30.
Ito ay mas mababa kumpara sa 15,000 katao na sumunod sa parehong protesta noong September 21.
Sa datos ng Iloilo City Police Office, 1,800 ang estimated crowd kung saan 1,500 ang nagmartsa mula sa Jaro Plaza at 300 naman mula sa University of the Philippines Visayas – Iloilo City Campus.
Nagkita ang mga grupo sa harap ng Iloilo Provincial Capitol kung saan mayroong isinagawang programa.
Bitbit ng mga ito ang mga placard na nagpapahiwatig ng kanilang saloobin kaugnay sa nangyayaring korapsyon sa Pilipinas.
Kabilang sa mga lumahok ay ang mga grupo mula sa sektor ng transportasyon, mga estudyante at guro, mga nagtatrabaho sa medical field, mga ordinaryong tao, at mga nagmula sa iba’t-ibang religious sector.
Dumalo rin si dating Kabataan Party-list Representative Raoul Danniel Manuel, na isa ring Ilonggo.
Kasabay nito, ipinahayag ni Msgr. Meliton Oso, na direktor ng Jaro Archdiocesan Social Center Action (JASAC) at convenor ng Kahublagan Kontra Korapsyon (KKK), na hindi titigil ang simbahan hangga’t hindi mapanagot at mapabilanggo ang mga sangkot sa korapsyon.
Samantala, sa kabuuan, naging “generally peaceful” ang isinagawang protesta, ayon sa kapulisan.









