Tuloy-tuloy ang ginagawang house-to-house vaccination campaign ng pamahalaan.
Sa ulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nitong nasa 811 cities at municipalities ang kasalukuyang nagpapatupad ng house-to-house vaccination kung saan nasa halos 2 million doses na ang naiturok.
Ayon kay Año, ang Region XIII ang nakapagtala ng pinakamaraming nabakunahan sa nasabing H2H campaign na umaabot sa 477,657; sinundan ng Region III sa 421,138; at ang Region XI na umabot naman sa 246,249 mga nabakunahan.
Kasunod nito, pinapurihan ni Año ang mga masisipag na kawani ng lokal na pamahalaan hinggil sa ginagawa nilang H2H vaccination.
Aniya, naglabas na rin ng direktiba ang DILG sa bawat Local Government Unit na suyurin ang bawat komunidad, sitio at kanayunan para hanapin ang mga dapat bakunahan lalo na ngayong nakapasok na sa bansa ang ilang subvariant ng Omicron na napatunayang mas nakahahawa.