Halos 20-M bakuna, nasayang; COVAX Facility handa namang palitan ang mga na-expire na bakuna

Umabot na sa halos 20-M ang nasasayang na bakuna ayon sa Department of Health (DOH).

Sa organizational meeting ng Senate Committee on Health and Demography, sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na hanggang nitong ika-12 ng Agosto ay 8.42% na ang bakuna wastage sa bansa.

Pangunahin aniyang dahilan ng pagkasayang ng bakuna ang expiration at operations related tulad ng mga bakunang nabuksan pero hindi naiturok sa mga pasyente, natapon, basag na vials, pag-apaw, mga natira sa vial o underdose at iba pang operational issues.


Dagdag pa sa dahilan ng bakuna wastage ang natural disasters gaya ng typhoon Odette, lindol at sunog, temperature excursions o nabago ang temperatura ng mga bakuna at hindi na magamit, at may nakitang particulate matter sa vials at discoloration.

Sinabi naman ni Health Undersecretary Carol Taino na katumbas ng 8.42% ng nasayang na bakuna ay nasa 20,660,359 doses.

Sa mahigit 20-M doses na bakuna wastage, 19.97-M dito ay mga nasayang na “unopen vials” habang 687,811 doses naman ang mga nasayang na “open vials”.

Dahil naman sa pakiusap ng pamahalaan, papalitan ng COVAX Facility ang lahat ng na-expire na bakuna, ito man ay binili ng gobyerno o pribadong sektor, sa ilalim ng kundisyon na ito ay gagamitin at hindi na ma-e-expire muli.

Facebook Comments