Nasa dalawang kongresista ang tiwalang may sapat na suporta si Marinduque Representative Lord Allan Velasco para mahalal bilang House Speaker.
Ayon kay 1-PACMAN Partylist Representative Mikee Romero, aabot sa halos 200 mambabatas ang naghayag ng kanilang suporta kay Velasco.
Dagdag pa ni Romero, posibleng madagdagan pa ito kasabay ng inaasahang ‘showdown’ sa pagitan ni Velasco at incumbent Speaker, Taguig Representative Alan Peter Cayetano sa October 14.
Sinabi naman ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnie Teves, marami ang sumusuporta sa kampo ni Velasco.
“Sa totoo lang, syempre. Kung numbers lang, mayroon 100 percent,” ani Teves.
Iginiit naman ni Oriental Mindoro 1st District Representative Doy Leachon na kailangang kilalanin ni Cayetano ang ‘gentleman’s agreement’ nila ni Velasco.
Para maging House Speaker si Velasco, kailangan niyang makalikom ng mayorya ng suporta mula sa halos 300 miyembro ng Kamara, mula rito ay maaaring ideklarang bakante ang Speakership post at mananalo sa gagawing eleksyon.
Matatandaang inilatag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang term-sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Velasco kung saan uupo si Cayetano sa unang 15 buwan habang sasaluhin ito ni Velasco sa nalalabing 21 buwan.
Una nang sinabi ni Velasco na ang simula ng kaniyang termino ay noong September 30 pero sumang-ayon siya umupo sa October 14, na inaprubahan ni Pangulong Duterte.