Tinukoy ng Commission on Audit (COA) ang ilang sikat food establishments, exporters at dalawang nangungunang pribadong unibersidad na kabilang sa mga malalaking korporasyon na bigong makapagbayad ng premium payments ng mga empleyado nito sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Batay sa resulta ng Special Audit sa Collections, Remittances at Reporting ng Premium Payments para sa mga PhilHealth members na inilabas ng COA, lumalabas na aabot sa ₱195.59 million na halaga ng kontribusyon ang hindi pa naire-remit sa state health insurer mula nitong June 2019.
Ayon sa COA, ang bigong pagbayad ng PhilHealth premiums ng ilang kumpanya ay hadlang para ma-avail ng mga empleyado ang benepisyo ng PhilHealth.
Bukod sa bigong pagre-remit ng premium contributions, anim na kumpanya ang nagpadala sa PhilHealth ng ilang tseke na tumalbog dahil sa kawalan ng pondo.
Natuklasan din ng COA na mula sa 50 nangungunang nagbabayad ng remittance mula January 2017 hanggang June 2019, 36 na kumpanya ang walang ibinayad na premium payments sa nakalipas na isa hanggang 29 na buwan.
Ang audit examination ay limitado sa mga nagbabayad ng premiums sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines na tumanggap para sa PhilHealth ng kabu uang 17.45 billion pesos mula 2017 hanggang June 2019.