Halos 200 pampasabog at mga bala, narekober sa magkahiwalay na operasyon ng militar sa Masbate

Narekober ng mga tropa ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army, sa koordinasyon sa Philippine National Police (PNP), ang isang imbakan ng mga pampasabog ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Libas, Placer, Masbate kahapon.

Sa tulong ng impormasyon mula sa mga lokal na residente ng lugar, nasamsam ang 42 anti-personnel mines at 119 na improvised hand grenades.

Sa araw ring iyon, karagdagang mga pampasabog at sako-sakong bala ang narekober sa boundary ng Barangay Intusan at Barangay Salvacion sa bayan naman ng Palanas.

Kasama ang iba pang impormante, nagtungo ang militar sa isa pang imbakan at nadiskubre ang mga sako na may lamang 5.56mm at 7.62mm na mga bala, 28 anti-personnel mines (APMs), isang rolyo ng detonating cord, dalawang plastic bag ng explosive components, 32 piraso ng 400-gram pentex boosters, at walang lamang 7.62mm ammunition links.

Kung saan, nasa kabuuang 189 na mga pampasabog ang narekober sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Masbate sa loob lamang ng isang araw.

Nagpapatuloy naman ang operasyon ng militar at koordinasyon nito sa pulisya para matiyak ang kaligtasan ng mga residente at maalis ang banta mula sa mga armadong grupo sa lugar.

Binigyang-diin naman ng militar na welcome sa kanila ang posibleng pagsuko ng mga natitira pang miyembro ng NPA.

Facebook Comments