Thursday, February 19, 2026

Halos 2,000 guro sa Pampanga at Bulacan, na-promote

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa ng 1,991 bagong promote na public school teachers mula sa Bulacan at Pampanga sa ilalim ng Expanded Career Progression System ng administrasyon.

Ang mga guro ay umakyat sa iba’t ibang posisyon mula Teacher II hanggang Teacher IV, Master Teacher I hanggang III, at Principal I hanggang IV.

Ayon sa pangulo, mahalaga ang papel ng mga guro sa paghubog ng kinabukasan ng kabataan at ng buong bansa.

Bukod sa pagtuturo, handa rin ang mga ito na gampanan ang iba pang tungkulin kung kinakailangan, tulad ng pagseserbisyo tuwing halalan at census.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na hindi kailanman mapapalitan ng artificial intelligence o anumang makabagong teknolohiya ang dedikasyon at malasakit ng mga guro sa kanilang mga estudyante.

Sa ilalim ng ipinatutupad na sistema, umabot na sa 16,000 public school teachers sa buong bansa ang na-promote ng administrasyon.

Facebook Comments