Nasa 455 pamilya o katumbas ng 1,874 na mga indibidwal ang apektado ng magnitude 7.4 na lindol na tumama sa Hinatuan, Surigao del Sur nitong Sabado.
Mula ang mga ito sa 12 barangay ng Regions 10 at 11.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 8 pamilya o 28 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 1 evacuation center sa Monkayo, Davao de Oro habang hindi pa nasisigurong ligtas na bumalik sa kani-kanilang mga tahanan.
Nananatili naman sa 1 ang naiulat na nasawi at nakapagtala rin ng 12 sugatan.
Samantala, 173 kabahayan din ang winasak ng lindol kung saan 152 ang partially damaged at 21 ang totally damaged.
Animnaput-dalawang imprastraktura din ang sinira ng lindol sa Region 11 kung saan patuloy pa ang assessment dito ng pamahalaan kung magkano ang kabuuang halaga ng pinsala.