Halos 2,000 micro rice retailers sa Metro Manila, nakatanggap na ng financial assistance mula sa pamahalaan

Umaabot na sa higit 1,900 na micro rice retailers sa 17 Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila ang nakatanggap na ng tulong pinansyal.

Ito’y sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development- National Capital Region (DSWD-NCR) katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI).

Ang bawat kwalipikadong rice retailers na natukoy ng DTI ay nakatanggap ng P15,000 cash assistance sa ilalim ng DSWD Sustainable Livelihood Program—Cash Assistance for Micro Rice Retailers.


Ang pamamahagi ay isinagawa mula ika-9 hanggang ika-26 ng Setyembre.

Ito’y bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tulungan ang mga micro rice retailers na lubos na naapektuhan nang implementasyon ng price cap sa bentahan ng regular at well-milled rice sa mga pamilihan.

Umaabot na rin sa higit P30 milyon ang naitalang naipamahagi ng DSWD-NCR sa mga apektadong rice retailers sa rehiyon.

Bahagi ito ng first batch kung saan tinatayang madaragdagan pa ang bilang nito sa mga susunod na araw.

Para sa katanungan hinggil sa SLP—Cash Assistance for Micro Rice Retailers, magtungo lamang sa malapit na DTI Negosyo Center o kaya sa tanggapan ng DSWD-NCR sa Legarda Street sa Quiapo, Maynila.

Facebook Comments