
Nasa 1,825 personnel ng Pangasinan Police Provincial Office ang ipapakalat sa iba’t-ibang lokasyon kada bayan upang panatilihin ang seguridad ng publiko ngayong Undas.
Sa datos na nakalap ng iFM News Dagupan mula sa tanggapan, pinakamarami ang ide-deploy sa 172 na sementeryo at memorial sa lalawigan kung saan inaasahan na aabot sa 113,550 ang dadagsang bisita at motorista.
Mayroon din nakatalaga sa mga Motorist Assistance Centers, paliparan, bus terminals, mga pook pasyalan, simbahan, at iba pang places of convergence tulad ng mall at ibang establisyimento.
Kaagapay ng tanggapan ang 574 personnel mula sa ibang law enforcement agencies at higit 1,700 force multipliers.
Kaisa ang mga pulis sa pagpapatupad ng plano sa bawat bayan mula sa pangangasiwa sa trapiko, kontrol sa dagsa ng tao,at pagresponde sa mga emergency.
Kaugnay nito, tiniyak ng tanggapan ang kahandaan at aktibong pagtutok sa mga insidenteng puwedeng umusbong upang umalalay sa pangangailangan ng publiko.









