Lumapag na sa bansa kagabi ang nasa 193,050 doses ng Pfizer vaccines sa sa pamamagitan ng DHL Cargo flight (LD 457) na pinatatakbo ng Air Hong Kong.
Pasado alas-9:00 ng gabi nang dumating ang mga bakuna sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kabilang sa mga opisyal na present sa pagdating ng bakuna ay sina Testing Czar Vince Dizon, Cabinet Secretay Karlo Nograles, at mga opisyal ng World Health Organization (WHO), United Nations, US Embassy, at Pfizer Philippines.
Ang mga Pfizer vaccines ay ilalagay sa storage facilities na may freezing temperature na nasa -70 hanggang -80 degrees Celcius.
Agad na idinala ang mga bkauna sa cold storage facility ng PharmaServ sa San Roque, Marikina City.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, gagamitin ang Pfizer vaccines sa A1 hanggang A3 priority groups.
Nagpapasalamat sila sa COVAX Facility at sa mga partners para rito.
Sinabi ni WHO Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe, mas maraming Pilipino ang mababakunahan partikular ang mga healthcare workers na patuloy na nagsasagip ng buhay at nasa frontline.
Ikinalugod naman ni United States Embassy Charge d’ Affaires John Law ang pagdating ng mga bakuna na pinagmamalaki nilang ligtas at epektibo.
Pagtitiyak ni Law na patuloy ang US na susuporta sa vaccination at COVID-19 mitigation efforts ng Pilipinas.
Nasa 1.3 million doses ng Pfizer vaccines sa pamamagitan ng COVAX Facility ang inaasahang matatanggap ng pamahalaan.
Ang US ay nag-donate ng 97.2 billion pesos sa COVAX para matiyak na ang Pilipinas at iba pang bansa ay may access sa COVID-19 vaccines.
Sa kabuoan, nasa 44 million doses ng COVID-19 vaccines ang ibibigay ng COVAX sa mga Pilipino.