Halos 200,000 indibidwal, apektado ng pananalasa ng Bagyong Ulysses

Umabot na sa 196,696 na mga indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses sa National Capital Region (NCR), Region 2, CALABARZON, MIMAROPA, at Cordillera Administrative Region.

Batay ito sa update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, sa ngayon ay nasa mga evacuation centers ang mga apektadong pamilya at ang iba ay nakitira sa kanilang mga kaanak at kaibigan na nasa ligtas na lugar.


Sa ngayon din ayon kay Timbal, naka-sentro sa search and rescue operation ang NDRRMC sa mga lugar na matinding binaha lalo na sa Metro Manila.

May 363 teams mula sa national search and rescue teams ang naka-deploy na sa mga binahang mga lugar, maliban pa sa mga local rescue teams na ideneploy ng mga local government units.

Ang 363 teams na ito ay mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at Joint Task Group NCR.

Sinabi pa ni Timbal na nakatanggap ng 90 requests para sa rescue ang NDRRMC na ngayon ay sentro ng search and rescue operations ng mga ideneploy na rescue units.

Nagpapatuloy ngayon na naka-antabay ang NDRRMC sa mga lugar na apektado ng bagyo.

Facebook Comments