Halos 200,000 indibidwal, lumabag sa iba’t ibang quarantine protocols

Nakapagtala ang Joint Task Force (JTF) COVID Shield ng 191,000 na violators ng iba’t ibang quarantine protocols sa Metro Manila.

Ang datos ay simula noong Marso, kung saan ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang ngayon kung saan nasa General Community Quarantine (GCQ) na ang National Capital Region (NCR).

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni JTF COVID Shield Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na kung ikukumpara noong Marso na mayroong 8,000 violators, kahapon ay nasa 720 na lamang ang kanilang nahuli.


Sa nasabing bilang, 108,000 ang kanilang winarningan o pinagsabihan at nasa 8% lamang ang na-inquest.

Paliwanag ni Eleazar, ito ay dahil nananatiling compassionate ang Pambansang Pulisya at mahigpit nilang ipinatutupad ang maximum tolerance.

Kasunod nito, iniulat din ng opisyal na dahil sa pagpapatupad ng istriktong quarantine measures at curfew ay patuloy na bumababa ang crime rate sa bansa.

Sa katunayan, 58% ang ibinaba ng krimen sa buong bansa kung saan nasa 63% sa Luzon, 55% sa Visayas at 51% naman ang ibinaba ng crime rate sa Mindanao.

Facebook Comments