Halos 200K trabahador, nakatanggap na ng tulong mula sa DOLE

104

Aabot sa halos 200,000 empleyado na apektado ng banta ng Coronavirus disease o COVID-19 ang nabigyan na ng ayuda ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Sa pahayag ng DOLE, nasa P622 million na cash assistance ang napamahagi na sa mga benepisyaryo ng Covid Adjustment Measures Program (CAMP) at Tulong Panghanapbuhay sa Displaced/Disadvantaged Workers-Barangay ako Bahay Ko (TUPAD-BKBK) program.


Aabot sa 102,895 formal sector workers sa ilalim ng CAMP program at nasa 80,000 na trabahador mula sa informal sector sa pamamagitan ng TUPAD BKBK program ang nakatanggap ng P5,000 cash assistance.

Ang mabilisang pagbibigay ng cash assitance ay bunsid na din sa kautusan ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga DOLE officials na paluwagin ang mga requirement pagpapasa ng establishment reports ng mga employer.

Target ngayon ng DOLE  mabigyan ng ayuda ang nasa 350,000 formal at informal sector workers sa kalagitnaan ng Abril kung saan gagamitin nila ang P1.5 billion na pondo CAMP at TUPAD program.

Mangangailangan naman sila ng karagdagang P5 Billion na pondo sa katapusan ng buwan ng Abril para mabigyan din ng tulong pinansyal ang mga empleyado ng krisis ng COVID-19 na lumobo na sa  600,000 ang bilang base na din sa field monitoring reports ng DOLE.

Facebook Comments