Cauayan City – Umabot sa halos 74,158 na pamilya na binubuo ng 246,632 na indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Kristine at Leon sa buong lambak ng Cagayan.
Ito ay base sa ibinahaging datos nina Department of Social Welfare and Development Field Office 2 Assistant Regional Director for Operations Franco Lopez, at Officer In-Charge Division Chief Response Management Mylene Attaban.
Bilang pagtugon, kaagad na namahagi ang ahensya ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo katulad na lamang Family Food Packs, Non-Food Items, at Bottled Waters.
Ayon sa ulat, dahil sa mga pag-ulang naranasan ay umabot sa 12 kabahayan ang nawasak habang 197 naman ang bahagyang nasira sa buong Rehiyon.
Sa ngayon ay puspusan pa rin ang ginagawang pagpapabot ng tulong ng kagawaran sa mga lugar na labis na maapektuhan ng magkasunod na naranasang kalamidad.