Thursday, January 29, 2026

Halos 30 luxury vehicles, nakumpiska ng LTO sa loob ng isang linggong malawakang operasyon; mga sasakyan, isasailalim sa beripikasyon

Aabot sa halos 30 luxury vehicles ang nakumpiska ng Land Transportation Office (LTO) sa ikinasang malawakang operasyon sa loob ng isang linggo.

Nakitaan ang mga ito ng iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, mula ang mga sasakyan sa kanilang operasyon sa buong Metro Manila, kung saan karamihan sa mga na-impound ay hindi rehistrado. Tinatayang nasa 30 to 40 percent naman sa mga naabutang nagmamaneho ay walang lisensya.

Dagdag pa ni Lacanilao, ilan sa mga nagmamay-ari ng mga nahuling sasakyan ay mga dayuhan, kabilang ang Chinese at Estonian nationals.

Nilinaw ng opisyal na hindi nila pinagtutuunan ng init ang mga luxury vehicles; bagkus, pantay-pantay ang pagpapatupad ng batas trapiko para sa lahat ng lumalabag.

Samantala, isasailalim sa beripikasyon ng Bureau of Customs ang mga nakumpiskang sasakyan. Tatlo sa mga luxury vehicles ang agad na dadaan sa masusing pagsusuri upang matukoy kung iligal itong naipuslit sa bansa.

Facebook Comments