Halos 30 nakaw na sasakyan, narekober sa Rizal

Cainta, Rizal – Aabot sa 26 na mga nakaw na sasakyan ang narekober ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa isang lote sa Vista Verde Homes, Cainta, Rizal.

Ayon kay HPG Director Brigadier General Roberto Fajardo, bitbit ang search warrant para sa ninakaw na Mercedes Benz pinasok nila ang isang property na pag-aari ni Enrique De Guzman na lider ng Alyas Dragon Carnapping Group.

Pero tumambad aniya sa kanila ang iba pang nakaw na mga kotse at taxi na posibleng ginagamit sa kambal plaka modus.


Ibig sabihin, inililipat lang ang rehistro ng sirang kotse sa ibang sasakyan.

Paliwanag naman ni Ramil Belen, mekaniko sa lugar, hindi niya matiyak kung nakaw ang mga sasakyan.

Aminado naman si Belen na china-chop-chop nila ang mga sirang taxi at kinukuha ang mga mapapakinabangan pang piyesa o parte nito.

Pinaghahanap na ngayon ng PNP-HPG ang dalawang retiradong HPG personnel na nagsisilbing protektor ng sindikato.

Facebook Comments