Agad na tumugon sa mga problema ng mga construction worker ang mga kilalang aktor, kung saan bandang alas-9:00 kaninang umaga nang dumating sa barracks ng mga construction worker sa Stanford Street, Brgy. E. Rodriguez, Cubao sa Quezon City ang mga actor na sina Tom Rodriguez, Carlo Maceda, Billy James at Cash Renacia.
Ito ay para ihatid ang mga ayudang pagkain para sa 274 na bilang ng mga manggagawa na nakakandado sa tanggapan ng MEC Construction Company.
Naka-lockdown ang mga ito mula pa noong Agosto 18, matapos na magpositibo sa COVID-19 ang aabot sa bilang na 27 construction worker.
Dismayado ang tatlong aktor dahil mistula umanong pinabayaan na ang mga ito ng kanilang employer.
Sumaklolo sa lugar sina Rodriguez, Maceda at Renacia matapos na mabalitaan ang nakakaawang kundisyon ng mga ito na nawalan na ng hanapbuhay.
Sabi ni Renacia na umaming minsan ding naging construction worker, hindi dapat na ganito ang pagtrato sa mga arawang mangggagawa.
Aminado si Brgy. E. Rodriguez Chairman Marciano Buena-Agua Jr., na ang pang-araw araw na pagkain lamang ang kayang ibigay ng lokal na pamahalaan.
Habang tatlong araw na sweldo lamang ang naibibigay ng may-ari ng MEC Construction Company.
Problemado ang mga manggagawa na mula sa ibat-ibang lugar dahil wala na silang maipadalang pera sa kanilang mga pamilya habang naka-lockdown.
Sa ngayon ay nakikipag-usap kay Brgy.Chairman Buena-Agua Jr., ang grupo ng mga aktor para sa ibibigay na cash assistance.