Umabot sa 2,939 na mga motorista ang nasita ng mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ikalawang araw ng pagpapatupad ng expanded number coding scheme sa Metro Manila.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni MMDA Task Force Special Operations chief Bong Nebrija na mas mataas ito sa bilang na nasita nila sa unang araw na umabot sa 1,588.
Gayunpaman, hindi na muna aniya tiniketan ang mga motorista na lumabag at sa halip ay pinagsabihan muna na sundin ang umiiral na expanded number coding scheme upang hindi mahuli at magmulta ng P300.
Dagdag pa ni Nebrija, hanggang bukas na lang din ang pabibigay ng konsiderasyon sa mga motorista dahil sa Huwebes ay manghuhuli na sila.
Una nang inihayag ng MMDA na ang pagpapatupad muli ng number coding scheme ay bilang paghahanda sa pagsisimula ng klase sa August 22.