
Aabot na sa halos 3,000 panukalang batas ang inihain ng Senado sa nagdaang tatlong taon sa ilalim ng 19th Congress.
Batay sa statistical report ng indexing and monitoring section ng Senado, mahigit 2,200 ang naihain sa First Regular Session, higit 430 noong 2nd regular session at halos 290 sa 3rd regular session.
Hanggang nitong Marso 12, may mahigit 700 ang nagawan ng committee report habang 47 ang nilagdaan ng pangulo at naisabatas.
Ilan sa mga malalaking panukalang batas na tuluyang naging batas ay ang Maharlika Investment Fund, pagpapaliban sa barangay at SK elections, No-Permit-No-Exam ban, pagbibigay ng cash incentives sa mga senior citizens na humantong sa edad na 80, 85, 90 at 95, pagpapabigat ng parusa sa financial scamming at mga batas na puprotekta sa West Philippine Sea (WPS).
Samantala, mayroong mahigit 1,300 na resolusyon ang inihain sa Senado kabilang ang mga resolusyon na may kaugnayan sa imbestigasyon sa ilang mga isyung kinakaharap ng bansa.