
Nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na ang 2,831 pulis na magsisilbing Special Electoral Board para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Ayon kay Area Police Command-Western Mindanao Commander at concurrent Special Task Force-BARMM Commander LtGen. Bernard Banac, katumbas ito ng 75.81% ng kabuuang 3,734 pulis na inaasahang ipadadala sa rehiyon.
Ang mga pulis ay mula sa 14 na Police Regional Offices at PNP Maritime Group bilang augmentation forces.
Itatalaga ang mga pulis sa iba’t ibang lokalidad sa limang lalawigan at tatlong lungsod sa BARMM upang tiyakin ang maayos, mapayapa at ligtas na halalan.
Patuloy naman ang koordinasyon ng Special Task Force-BARMM sa Commission on Elections at iba pang ahensya upang masiguro ang kahandaan ng seguridad sa rehiyon ngayong eleksyon.









