Halos 33,000 na kapulisan, ipapakalat sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa darating na pasukan

Aabot sa 23,000 na kapulisan ang ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) para sa seguridad ng mga mag-aaral sa pagbabalik-eskwela sa susunod na linggo.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, ipakakalat ang mga kapulisan sa buong bansa, partikular sa paligid ng eskwelahan kung saan maglalagay rin ng police assistance desk.

Aniya, ito’y para mas mabilis na matugunan ang mga katanungan ng mga mag-aaral at mga magulang.


Dagdag pa ni Fajardo na batid nilang madaragdagan ang mga byahero kapag tuluyan nang isinagawa ang face-to-face classes kung kaya’t magtatalaga rin ng mga kapulisan sa mga lansangan at sakayan.

Samantala, aabot naman sa 9,500 ang itatalaga ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila, kung saan ay palalakasin nila ang police visibility at mga checkpoints para masiguro ang ligtas na pagbabalik eskwela.

Ayon kay NCRPO Chief PBGen. Jonnel Estomo, magkakaroon sila ng pag-uusap kasama ang iba pang unit commander’s para pag-usapan ang magiging operasyon para sa pagbubukas ng klase.

Sa kabuuan, aabot sa mahigit 33,000 ang ipapakalat na kapulisan sa buong bansa.

Facebook Comments