HALOS 3K 4Ps MEMBERS SA CAUAYAN CITY, PATULOY NA BINABANTAYAN

Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang monitoring ng mga kawani ng DSWD Region 2 sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps dito sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Romarson Salviejo, City Link Project Development Officer 2, nasa kabuuang 2,800 na households ang bilang ngayon ng miyembro ng programa na kung saan ay wala naman aniyang nagiging problema sa listahan ng mga benepisyaryo dahil sinusuri naman ang ito sa kada buwan.

Ang 2,800 na 4Ps members ay naitala mula sa 65 barangays sa Lungsod ng Cauayan na navalidate ng LISTAHANAN Team ng National Housing Targeting System (NHTS).

Nilinaw ni Salviejo na hindi inaapplayan ang naturang programa dahil tanging ang National Housing Targeting System na ang mismong kumukuha sa listahan ng mga pamilyang mahihirap.

Paalala naman nito sa mga 4Ps members na sumunod lamang sa mga panuntunan ng nasabing programa at umiwas sa anumang paglabag gaya ng pagsusugal para hindi matanggal sa listahan.

Samantala, sa buwan ng Hunyo taong kasalukuyan ay mayroon ng 10 households ang naalis sa listahan matapos silang grumaduate sa naturang programa kung saan ay hindi na nila kailangang dumipende sa ibibigay na tulong ng gobyerno.

Facebook Comments