Halos 400 I-RISE Beneficiaries, Tumanggap ng Tulong

28

Cauayan City, Isabela- Nabigyan ng tulong pinansyal at rice assistance ang ilang mga benepisyaryo ng Isabela Recovery Initiatives to Support Enterprises (I-RISE) program ng pamahalaang panlalawigan bilang dagdag na tulong sa kanilang kabuhayan.

Pinangunahan nina Isabela Governor Rodito Albano III at Vice Governor Faustino ‘Bojie” Dy III ang pamamahagi ng ayuda kasama sina Congressman Allan Ty ng LPGMA Partylist at Mayor Lyn Zuniega ng bayan ng Cordon sa 399 na I-RISE beneficiaries maging sa mga senior citizens na nabigyan naman ng bitamina at hygiene kits.


Nabigyan naman ang MSWD ng Cordon ng mga libro at reading materials habang nakatanggap naman ng tig-dalawang tangke ng LPG mula sa LPGMA Partylist ang 50 na ‘Karinderya’ owners sa nasabing bayan.

Ayon naman sa naging mensahe ng Bise Gobernador, kanyang sinabi na ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ay buong-buo sa mga programa para lamang maibangon at maiangat ang mga mamamayan sa kanilang kabuhayan sa pamumuno na rin ng ama ng Lalawigan.

Sinabi naman ni Gov. Albano, ang pamamahagi ng tulong sa mga Isabelino ay para mabawasan ang mga pasanin na dala ng nagdaang mga kalamidad at ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Isa rin sa layunin ng pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng I-RISE program na mapaganda ang kabuhayan ng mga Isabelino.




Para naman aniya sa mga hindi nakatanggap ng ayuda ngayon ay isasama sa mga susunod na pamamahagi ng tulong.

Facebook Comments