Halos 45, patay sa military plane crash sa Sulu; search and rescue operations, nagpapatuloy

Hindi bababa sa 45 ang patay habang 49 ang sugatan matapos bumagsak ang C-130 aircraft ng Philippine Airforce sa Sulu, Linggo ng umaga.

Nabatid na nasa 96 na personnel ang sakay ng eroplano nang ito ay bumagsak.

Sa huling datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang mga nasawi sa trahedya ay binubuo ng 42 military personnel na sakay ng eroplano at tatlong sibilyan na nabagsakan ng eroplano.


Nasa lima pa ang patuloy na pinaghahanap.

Aabot naman sa apat na sibilyan ang nasugatan sa pagbagsak ng eroplano.

Sa report ng Joint Task Force (JTF) Sulu, ang C-130 military aircraft na may tail number 5125 ay lumipad mula Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City at dapat ay lalapag sa Jolo Airport sa Sulu nang bumagsak ito alas-11:30 ng umaga kahapon.

Ang eroplano ay bumagsak sa Sitio Amman, Barangay Bangkal.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana, nalagpasan ng eroplano ang runway.

May ilang tao ang nakasaksi na may ilang pasahero mula sa eroplano ang tumalon bago ito bumagsak sa lupa.

Umaasa naman si JTF Sulu Commander Major General William Gonzalez na may mga nakaligtas sa aksidente at nagpapatuloy ang search ant rescue operations sa 17 personnel na hindi pa matagpuan.

Facebook Comments