Aabot sa kabuuang 468 na kawani mula sa iba’t ibang tanggapan ng Department of Finance (DOF) ang inimbestigahan ng Revenue Integrity Protection Service (RIPS) ng DOF dahil sa pagkakasangkot sa katiwalian.
Base sa ulat na natanggap ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, 58 kaso ang naihain nila sa Office of the Ombudsman, Civil Service Commission (CSC) at iba pang quasi-judicial bodies mula July 2016 hanggang December 2021.
Kabilang sa mga empleyadong inimbestigahan ay mula sa Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Local Government Finance, Bureau of Treasury at Insurance Commission.
Sa naturang bilang, 55% dito ay mula sa Bureau of Customs habang 38% naman ay mula sa BIR.
Mula July 2016 hanggang February 2022 ay 16 ang nasibak sa serbisyo, 10 ang napatunayang guilty sa iba’t ibang kasong kriminal.
Habang 35 dito ang sinuspinde, 9 ang nasermunan o napagalitan habang 7 ang pinagmulta sa kinakaharap nilang kaso.