Ligtas na nakauwi sa Pilipinas ang 49 na distressed overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Saudi Arabia na nakaranas ng problema sa kanilang trabaho.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dumating sa bansa kahapon ang unang batch mula Al Khobar na binubuo ng 17 OFWs lulan ng Qatar Airways flight QR932, at ang ikalawang batch naman na binubuo ng 32 OFWs at dalawang dependents mula Jeddah lulan ng Saudi Airlines — flight SV870.

Ang mga ito ay pansamantalang nanirahan sa Bahay Kalinga Shelters ng DMW sa Jeddah at Al Khobar.

Samantala, dumating din sa bansa ang 45 OFWs mula sa Israel na nag-avail ng voluntary repatriation program ng pamahalaan.

Sa ngayon, umabot na sa 1,607 ang bilang ng OFWs na nakauwi mula sa nasabing bansa simula pa noong sumiklab ang gulo sa pagitan ng Israel at Hamas noong October 2023.

Ang mga Pinoy ay sinalubong ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan at mga kinatawan ng DMW, na agad nagbigay ng tulong pinansyal, pati pansamantalang tirahan at transportasyon pauwi sa kanilang mga probinsya.

Facebook Comments