Aabot sa 48 online post na may kinalaman sa hindi otorisadong pagbebenta ng Molnupiravir ang tinanggal ng Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay FDA Officer-in-Charge Deputy Director General Oscar Gutierrez, siyam na brand ng Molnupiravir ang ibinebenta online kabilang na ang Molnarz, Movfor, Moluzen, Molenzavir, Molmed, Mpiravir, Zero Vir, Molnuvid at Movir.
Aniya, agad nilang na-coordinate sa mga may-ari ng platforms ang nasabing mga post at agad ring inalis sa online.
Sa ilalim ng FDA Act of 2009 o Republic 9711, mahigpit na ipinagbabawal ang importasyon, distribusyon, exportation, pagbebenta o pag-aalok ng health products nang walang pahintulot ng ahensya.
Maaaring makulong ng isa hanggang sampung taon at pagmumultahin ng P50,000 hanggang P5 milyon ang sinumang lalabag dito.