Halos 5,000 katao sa Maynila, inilikas dahil sa pananalasa ng Bagyong Ulysses

Umaabot sa 4,742 katao o 1,159 na pamilya ang inilikas sa lungsod ng Maynila dahil sa paghagupit ng Bagyong Ulysses.

Nananatili pa rin sila sa iba’t ibang evacuation centers sa lungsod at patuloy na kinakalinga ng mga tauhan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Ayon kay Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso, maliban sa pagkain mula almusal, tanghalian at hapunan ay may psychosocial support din na pinagkakaloob sa mga apektadong indibidwal.


Nagpa-abot naman ng pasasalamat si Domagoso sa mga donor na naghandog ng tulong para sa daan-daang pamilyang nasa evacuation centers ng lungsod tulad ng sako-sako ng bigas, choco rolls, bottled water at mga grocery bags.

Lubos din ang pasasalamat ni Mayor Isko sa mga miyembro ng Manila Police District (MPD) na bukod sa pagpapanatili ng peace and order sa lungsod, ay tumulong sa paglilinis ng mga natumbang puno at nagbigay pa ng libreng sakay sa mga stranded individuals.

Ikinatuwa naman ni Mayor Isko na agad naalis ng mga tauhan ng Department of Public Services, Department of Engineering and Public Works, Manila Traffic and Parking Bureau at Manila Disaster Risk Reduction Management Office ang mga sanga o mga puno mismo na natumba dahil sa lakas ng bagyo.

Ayon kay Domagoso, mula kahapon hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang sabayan at malawakang paglilinis sa buong lungsod ng Maynila pagkatapos ng pananalasa ng bagyong Ulysses.

Facebook Comments