Tinatayang aabot sa 500,000 botante ang inaasahang lalahok sa plebisito para hatiin sa tatlong probinsya ang Isla ng Palawan.
Sa plebisito ay pagbobotohan kung pabor sila o hindi na hatiin ang lalawigan sa tatlo at gawing Palawan del Norte, Palawan Oriental, at Palawan del Sur.
Sa datos ng Commission on Elections (COMELEC) nasa 490,639 ang registered voters sa Palawan at boboto sila sa kabuoang 2,959 clustered precincts na mamanduhan ng 3,446 plebiscite committees.
Nakapagtatag din ang poll body ng 487 voting centers sa 23 munisipalidad at siyudad ng Palawan.
Magsisimula ang botohan mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Mahigpit na ipapatupad ang health protocols sa mga presinto na tanging limang botante lamang ang pwedeng bumoto ng sabay-sabay.
Umapela si COMELEC Commissioner Antonio Kho Jr. sa mga Palaweños na magtungo sa mga presinto, sundin ang health protocols at bumoto dahil nasa kanila nakasalalay ang kinabukasan ng probinsya.
Pagtitiyak ng poll body na magiging neutral sila sa pagsasagawa ng plebisito.
Inaasahang malalaman ang resulta ng plebisito sa March 16 o lagpas pa bunga na rin na manu-mano ang isasagawang eleksyon.