
Umabot sa 58 e-bike at e-trike ang sinita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng EDSA at Roxas Boulevard ngayong umaga, January 7.
Ayon sa MMDA, karamihan sa mga nasita ay dati nang paulit-ulit na nabigyan ng babala sa kabila ng umiiral na pagbabawal sa pagdaan ng mga e-bike at e-trike sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Matatandaang inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na sisimulan na ang mas mahigpit na enforcement sa mga susunod na araw, kabilang ang pag-impound ng mga sasakyang lalabag sa patakaran.
Iginiit naman ng MMDA na ang hakbang ay para sa kaligtasan ng mga e-bike at e-trike drivers, dahil ang mga major thoroughfares ay dinisenyo para sa mas mabilis at mas malalaking sasakyan.
Dagdag pa ng ahensya, doble ang deployment ng MMDA personnel sa mga pangunahing lansangan, kabilang ang EDSA at Roxas Boulevard, upang tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng traffic rules.










