Halos 600 pulis, itatalaga sa mga quarantine facility sa NCR

Aabot sa 594 pulis ang ipapakalat sa 297 na mga quarantine facility sa Metro Manila para matiyak na wala nang quarantine breaches.

Kasunod ito ng rekomendasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng mga pulis sa mga quarantine facility para maiwasang maulit ang insidente ng quarantine skippers.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, magpapakalat din sila ng mga pulis sa mga quarantine facility sa labas ng National Capital Region (NCR).


Aniya, ang PNP ay may mga “mobile force battalion” sa bawat lalawigan, distrito at rehiyon kung saan maaaring kumuha at magtalaga ng mga tauhan ng pulisya sa mga quarantine facility.

Ang mga pulis din aniyang nakatalaga sa mga checkpoint ay maaaring i-deploy sa mga quarantine facility.

Kasabay nito, nilinaw naman ni DILG Secretary Eduardo Año na ang pag-de-deploy ng mga pulis sa mga quarantine facility ay pansamantala lamang dahil sa muling pagtaas ng COVID-19 cases.

Facebook Comments